Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 148

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Isaias 54:1-13

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel

54 “Umawit(A) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
    kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
    palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
    pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
    aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
    at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.

Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
    sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
    hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
    ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
    kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.

Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
    isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
“Sandaling panahon kitang iniwanan;
    ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
    ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.

“Noong(B) panahon ni Noe, ako ay sumumpang
    hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig.
Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo,
    at hindi na kita paparusahan muli.
10 Maguguho(C) ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig,
    ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho,
    at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.”
Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.

Ang Jerusalem sa Panahong Darating

11 Sinabi(D) (E) ni Yahweh,
“O Jerusalem, nagdurusang lunsod
    na walang umaliw sa kapighatian.
Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato.
12 Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore,
    batong maningning ang iyong pintuan
    at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
13 Ako(F) mismo ang magtuturo sa iyong mga anak.
    Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.

Pahayag 21:1-7

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.