Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(A) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(B) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
Ang Pangako
13 “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ 14 Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? 15 Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”
18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.
Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.