Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 25:1-10

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

Nehemias 9:26-31

26 “Ngunit(A) (B) kinalaban ka pa rin nila,
    at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
    na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
    ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
    pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
    binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
    kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
    pinapakinggan mo sila mula sa langit
    at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(C) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
    ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
    Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(D) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[a] sa pamamagitan ng mga propeta,
    ngunit hindi pa rin sila nakinig.
    Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
    hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!

Lucas 21:20-24

Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem(A)

20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat(B) iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.