Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ruth 1:1-18

Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab

Nang ang Israel ay pinamumunuan pa ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya't ang mag-asawang Elimelec at Naomi na mga taga-Bethlehem, Juda ay pansamantala munang nanirahan sa Moab kasama ang kanilang mga anak na sina Mahlon at Quelion. Ang pamilyang ito ay mula sa angkan ng Efrata. Namatay sa Moab si Elimelec at naiwang biyuda si Naomi. Ang dalawa nilang anak ay nakapag-asawa naman ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Ngunit pagkalipas ng mga sampung taon, namatay rin sina Mahlon at Quelion, kaya't si Naomi ay naulila sa asawa't mga anak.

Bumalik sa Bethlehem si Naomi Kasama si Ruth

Nabalitaan ni Naomi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng masaganang ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab. Naglakbay nga silang pabalik sa Juda. Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. 9-10 Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong pamilya.” At sila'y hinagkan ni Naomi bilang pamamaalam.

Ngunit napaiyak ang mga manugang at sinabi sa kanya, “Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyong bayan.”

11 Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. 12 Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, 13 mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” 14 Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na.[a] Ngunit nagpaiwan si Ruth.

15 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” 16 Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. 17 Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” 18 Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol.

Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Mga Hebreo 9:11-14

11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(A) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

Marcos 12:28-34

Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos(A)

28 Ang(B) kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”

29 Sumagot(C) si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito(D) naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”

32 Wika(E) ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At(F) higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”

34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.