Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
Pagpapahayag ng Kasalanan
6 At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
7 Ikaw,(A) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
at pinangalanan mo siyang Abraham.
8 Nakita(B) mo siyang tapat sa inyo
at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
9 “Nakita(C) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[a]
10 Gumawa(D) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(E) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(F) mo sila ng haliging ulap kung araw,
at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(G) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
at kinausap mo ang iyong bayan.
Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 “Nang(H) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
sa kanila'y ipinangako mong ibigay.
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.