Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Ester 5

Ang Piging para sa Hari at kay Haman

Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”

Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”

Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan

Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”

14 Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.

1 Juan 2:18-25

Ang Kaaway ni Cristo

18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.

20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.