Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama
20 Sinabi ni Zofar na Naamita,
2 “Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhan
kaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan.
3 Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait,
kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid.
4 “Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula,
nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa,
5 ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal,
6 umabot man sa langit ang kanyang katanyagan,
at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man.
7 Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam;
ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman.
8 Siya'y(A) parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi,
di na muling makikita.
9 Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya.
10 Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak;
kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat.
11 Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay,
kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan.
12 “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis,
ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig.
13 Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan;
kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa.
14 Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan,
ubod pala ng pait, lason sa katawan.
15 Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka;
palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka.
16 Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag,
parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay.
17 Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyan
ng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan.
18 Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan;
di niya malalasap ang naipong kayamanan,
19 sapagkat ang mahihirap ay inapi niya,
kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba.
20 “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan,
walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman.
21 Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira,
ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na.
22 Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitan
at siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan.
23 Kumain na siya't magpakabusog!
Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos.
24 Makaligtas(B) man siya sa tabak na bakal,
palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal.
25 Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok;
kung makita niya ito,
manginginig siya sa takot.
26 Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay;
masusunog siya sa apoy na hindi namamatay.
Wala ring matitira sa kanyang pamilya.
27 Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito,
laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo.
28 Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain,
sa galit ng Diyos ito ay tatangayin.
29 “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama,
kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.”
Mga Minanang Katuruan(A)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.