Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtatapat ng Taong Nahihirapan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
habang nakapalibot, silang mga masasama.
2 Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
3 Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
4 “Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”
5 Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
6 Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
7 Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
8 Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
9 Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]
12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.
20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.
23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.
28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 Muling nagsalita si Job,
2 “Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
3 Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
4 Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
5 Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
6 Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
7 Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
8 kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
at mga maharlika'y tatahimik na lamang.
Ang Ikapitong Selyo
8 Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras. 2 Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila.
3 Dumating(A) ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 4 Mula sa kamay ng anghel ay tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 5 Pagkatapos,(B) kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso, pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.