Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 26

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Job 2:11-3:26

Dinalaw si Job ng Kanyang mga Kaibigan

11 Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. 12 Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. 13 Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan.

Dumaing si Job sa Diyos

Pagkaraan(A) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.

Ito ang kanyang sinabi:

“Hindi(B) na sana ako ipinanganak pa
    at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
    Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
    at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
    at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
    Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
at sumpain ng mga salamangkerong
    nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[a]
Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
    at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
    na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.

11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
    o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
    at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14     Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
    na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
    sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16     o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
    at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
    wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
    ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.

20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
    At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(C) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
    hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23     Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
    kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
    pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
    kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”

Galacia 3:23-29

23 Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina.

26 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 27 Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.