Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 34:1-8

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.

Mga Awit 34:19-22

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(A) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

2 Mga Hari 20:12-19

Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia(A)

12 Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13 Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

14 Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?”

“Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias.

15 “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias.

“Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias.

16 Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17 ‘Darating(B) ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18 Pati(C) ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’”

19 Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Mga Hebreo 7:1-10

Ang Paring si Melquisedec

Ang(A) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.

Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. Ayon(B) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.