Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Mabuting Tao
Katha ni David.
26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
2 Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
3 Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
4 Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
5 Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.
6 Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
7 Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.
8 Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
9 Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10 mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
at palaging naghihintay na sila ay suhulan.
11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!
Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam
7 “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
2 Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
3 Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
4 Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
5 Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
inuuod, kumikirot,
ang nana ay lumalabas.
6 Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
kay bilis umikot parang sa makina.
7 “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
8 Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
9 Tulad(A) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15 Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.
17 “Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”
Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(A)
14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
16 “Ang(B) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(C) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.
18 “Kapag(D) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.