Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Ito naman ang sagot ni Job:
2 “Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob,
bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
3 Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan,
pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
4 Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan
at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
5 Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin;
nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
6 Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan?
Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
7 Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya,
kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.
8 “Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan;
hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
9 Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga,
at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
16 Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban,
tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17 Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot,
dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(A) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Ang Lalaking Mayaman(A)
17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(B) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”
20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”
21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.
23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][a] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”
28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”
29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(C) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.