Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.
2 Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”
8 Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”
9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”
10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.
12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.