Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 55:1-15

Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan

Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
    mga daing ko ay huwag namang layuan.
Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
    sa bigat ng aking mga suliranin.
Sa maraming banta ng mga kaaway,
    nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
    namumuhi sila't may galit ngang tunay.

Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
    sa aking takot na ako ay pumanaw.
Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
    sinasaklot ako ng sindak na labis.
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
    hahanapin ko ang dakong panatag.
Aking liliparin ang malayong lugar,
    at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
Ako ay hahanap agad ng kanlungan
    upang makaiwas sa bagyong darating.”

Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
    yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
    araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
    pati pang-aapi ay nasasaksihan.

12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
    kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
    kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
    aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
    at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
    ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.

Job 11

Ang Sagot ni Zofar kay Job

11 Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,

“Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
    Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
    at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
    at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
    sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.

“Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
    Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
Higit itong mataas kaysa kalangitan,
    at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
    higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
    mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
    kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
    kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.

13 “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
    para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
    ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
    iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
    maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
    walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
    at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”

1 Corinto 7:10-16

10 Sa(A) mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.

12 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di-mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13 Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang hindi sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14 Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay itinatalaga sa Diyos. 15 Kung nais namang humiwalay ng asawang di-mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang naturang kapatid ay malaya. Tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.