Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Ester 4

Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan

Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis. Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa. Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo.

Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon. Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo. Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio. Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”

15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.

1 Pedro 1:3-9

Isang Buháy na Pag-asa

Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.

Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.