Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 144:9-15

O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
    alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
    at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
    sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
    sila'y sinungaling, di maaasahan,
    kahit may pangako at mga sumpaan.

12 Nawa ang ating mga kabataan
    lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
    kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
    ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
    sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
    at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!

15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
    Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!

Awit ni Solomon 5:2-6:3

Ang Ikaapat na Awit

Babae:

Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog,
naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok.

Mangingibig:

“Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta,
    na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda,
basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.”

Babae:

Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na?
    Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa?

Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto,
    damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso.
Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan,
    binasâ ko ng mira itong aking mga kamay,
    at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay.
Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan.
Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan.
Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan,
    tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan.

Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay,
    hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan.
Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan,
    balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay.
Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin
    kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin,
    “Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.”

Mga Babae:

O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan
    hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal?
Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian,
    na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan.

Babae:

10 Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan,
    sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian.
11 Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab
    mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad.
12 Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis,
    kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis.
13 Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin,
    mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin.
14 Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan,
    suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal.
Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan,
    naliligid ng pahiyas na safirong makikinang.
15 Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay,
    ang mga patungan ay gintong dalisay,
parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga,
    kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya.
16 Mga labi ay maalab, matamis kung humalik
    buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit.
Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig.

Mga Babae:

O babaing napakaganda,
    giliw mo'y saan ba nagpunta?
Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.

Babae:

Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin,
    sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim
upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako;
    sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.

1 Pedro 2:19-25

19 Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. 22 Hindi(A) siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang(B) siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa(C) kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.