Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Huwarang Maybahay
10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Ang Karunungang Mula sa Diyos
13 Sino(A) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.
Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan
4 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? 2 Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.
7 Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(A)
30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga taong papatay sa kanya, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
Ang Pinakadakila(B)
33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Hindi(C) sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo(D) si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36 Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 “Ang(E) sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.