Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 124

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Ester 3

Binalak ni Haman na Lipulin ang mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes.

Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar.

Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.”

10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. 15 At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo.

Mateo 5:13-20

Asin at Ilaw(A)

13 “Kayo(B) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?

14 “Kayo(C) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(D) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(E) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”

Katuruan tungkol sa Kautusan

17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[a] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(F) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.