Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
29 Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas;
ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
2 Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya,
ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.
3 Ang nagpapahalaga sa karunungan ay nagbibigay galak sa magulang,
ngunit ang nakikisama sa patutot ay nagwawaldas ng kayamanan.
4 Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan,
ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman.
5 Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa,
nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
6 Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,
ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan.
7 Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,
ngunit ito'y balewala sa mga taong swapang.
8 Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,
ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino.
9 Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang,
ito'y hahalakhak lang at lilikha ng kaguluhan.
10 Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat,
ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-iingat.
11 Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan,
ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata.
12 Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan,
lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa kasamaan.
13 Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil:
Si Yahweh ang may bigay ng kanilang paningin.
14 Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay,
magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian.
15 Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan;
ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan.
16 Kapag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan,
ngunit masasaksihan ng matuwid ang kanilang kapahamakan.
17 Ang anak mo'y busugin sa pangaral,
at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan.
18 Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan,
ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan.
19 Ang(A) utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan,
pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan.
20 Mabuti nang di hamak ang hangal
kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan.
21 Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw,
siya na ang mag-uutos pagdating ng araw.
22 Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo;
laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo.
23 Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan,
ngunit ang mapagpakumbaba ay magtatamo ng karangalan.
24 Ang makipagsabwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan:
Kapag nagsabi ng totoo, ipabibilanggo ng hukuman,
ngunit paparusahan naman ng Diyos kapag ang sinabi'y kasinungalingan.
25 Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba,
magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
26 Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong,
ngunit kay Yahweh lamang makakamtan ang katarungan.
27 Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid;
ang masasama nama'y sa matuwid nagagalit.
Siya na nga Kaya ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. 31 Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?”
Nag-utos ang mga Pariseo na Dakpin si Jesus
32 Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo na dakpin si Jesus.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang napadpad sa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? 36 Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.