Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
15 Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit,
ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.
2 Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman,
ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan.
3 Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar,
ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.
4 Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay,
ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
5 Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama,
ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya.
6 Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan,
ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan.
7 Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan,
ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang.
8 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama,
ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
9 Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi,
ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi.
10 Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa,
at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala.
11 Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh,
ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli.
12 Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo,
at sa matatalino'y di hihingi ng payo.
13 Ang taong masayahin ay laging nakangiti,
ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
14 Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,
ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
15 Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka,
ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya.
16 Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh,
ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
17 Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig
kaysa isang matabang baka na inihaing may galit.
17 Nang(A) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(B) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
20 Dahil(C) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
21 Dahil(D) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.
22 Dahil(E) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.