Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 128

Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
    ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.

Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
    ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
    at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
    buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.

Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
    at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
    nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!

Mangangaral 4:9-16

Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. 10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. 11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? 12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.

13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo. 14 Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap. 15 Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari. 16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan,[a] tulad lang ng paghahabol sa hangin.

Santiago 5:1-6

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.