Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.
Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha.
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(A) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(B) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(C) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.
19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(D) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.
Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin(A)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. 40 Sapagkat(B) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan(C) ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Sanhi ng Pagkakasala(D)
42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.][a] 43 Kung(E) ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [44 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][b] 45 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [46 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][c] 47 At(F) kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. 48 Doo'y(G) hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.][d] 50 Mabuti(H) ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.