Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
sila'y sinungaling, di maaasahan,
kahit may pangako at mga sumpaan.
12 Nawa ang ating mga kabataan
lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!
Ang Ikatlong Awit
Babae:
6 Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
7 Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
8 Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
9 Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.
Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. 8 Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[a] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.
11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.