Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paanyaya ng Karunungan
20 Karununga'y(A) umaalingawngaw sa mataong lansangan,
tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22 “Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24 Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28 sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
itinapong parang dumi itong paalala ko.
31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33 Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Dila
3 Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. 2 Tayong(A) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.
3 Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. 4 Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.
Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang(B) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito(C) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”
28 Sumagot(B) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”
29 “Ngunit(C) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.
Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”
30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(D)
31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”
34 Pinalapit(E) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(F) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.