Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Pinakasalan ni Boaz si Ruth
4 Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. 2 Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. 3 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.”
“Bibilhin ko,” sagot ng lalaki.
5 Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth,[a] ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.”
6 Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.”
7 Ganito(A) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. 8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[b] 9 Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(B) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”
6 Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. 9 Yamang sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. 10 Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy. 11 At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak dahil sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.