Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
4 Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. 5 Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't[a] hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. 6 Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. 7 Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. 8 Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?”
Nanalangin si Ana
9 Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. 10 Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. 11 Ganito(A) ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.”
12 Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. 13 Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. 14 Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!”
15 “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. 16 Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.”
17 Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.”
18 Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban.
Ipinanganak at Inihandog si Samuel
19 Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. 20 Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel[b] ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”
Ang Panalangin ni Ana
2 Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:
“Pinupuri kita, Yahweh,
dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
2 “Si Yahweh lamang ang banal.
Wala siyang katulad,
walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
3 Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
4 Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
at pinapalakas ninyo ang mahihina.
5 Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
6 Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
7 Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
8 Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.
9 “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”
11 Bawat(A) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(B) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis
ng Diyos.
15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
16 “Ganito(A) ang gagawin kong tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
17 Pagkatapos(B) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”
2 Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”
5 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. 6 Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. 7 Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.