Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 18:20-30

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.

Ruth 2:15-23

15 Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16 Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”

17 Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. 18 Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. 19 Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. 20 Kaya't(A) sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.”

21 Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.”

22 Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” 23 Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan.

Roma 12:17-21

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(A) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(B) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[a] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.

Roma 13:8-10

Mga Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang(A) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.