Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 3

Panalangin sa Umaga

Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.

O Yahweh, napakarami pong kaaway,
    na sa akin ay kumakalaban!
Ang lagi nilang pinag-uusapan,
    ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]

Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
    binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
    sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]

Ako'y nakakatulog at nagigising,
    buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
    magsipag-abang man sila sa aking palibot.

Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
    kapangyarihan nila'y iyong igupo.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
    pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]

Deuteronomio 26:5-10

Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:

‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’

“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh.

Mga Hebreo 10:32-39

32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(A)

“Kaunting panahon na lamang,
    hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
    ngunit kung siya'y tatalikod,
    hindi ko siya kalulugdan.”

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.