Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
16 Ngunit(A) naging palalo ang aming mga ninuno,
nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17 Hindi(B) sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.
Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno
na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.
Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,
hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,
kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18 Gumawa(C) rin sila ng diyus-diyosang guya,
at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.
Labis ka nilang nilapastangan!
19 Ngunit(D) hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,
sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.
Hindi mo inalis ang haliging ulap
na patnubay nila sa paglalakbay sa araw
at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20 Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.
Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21 Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,
kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.
Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,
ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.
22 “Pinasakop(E) mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,
ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon
at ang lupain ni Haring Og ng Bashan.
23 Pinarami(F) mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit.
Dinala mo sila sa lupain
na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno.
24 Pinasok(G) nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan,
sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon.
Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain
upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin.
25 Pinasok(H) nila at sinakop ang mga may pader na lunsod.
Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian:
mga bahay na puno ng kayamanan,
mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy.
Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan,
at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan.
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.