Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
11 Pagsapit sa labas ng lunsod, huminto siya at pinaluhod ang mga kamelyo sa tabi ng balon ng tubig na naroon. Sa gayong oras, tuwing magdarapit-hapon, dumarating ang mga babae para umigib. 12 Siya'y nanalangin nang ganito: “Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, maging matagumpay nawa ang aking lakad; tuparin po ninyo ang inyong pangako sa aking panginoong si Abraham. 13-14 Tatayo po ako rito sa tabi ng balon at hihintayin ang pagdating ng mga babae buhat sa lunsod, para umigib. Ako po'y makikiinom sa isa sa kanila. Kapag sinabi niyang, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ iyon na sana ang babaing inihanda ninyo para sa inyong aliping si Isaac. Sa gayon malalaman kong tinupad na ninyo ang inyong pangako sa aking panginoon.”
15 Hindi pa natatapos ang kanyang panalangin, dumating si Rebeca na may pasan na banga ng tubig. Siya ay anak ni Bethuel at apo ni Milca na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham. 16 Siya'y dalaga pa at napakaganda. Lumusong siya sa kinaroroonan ng balon, pinuno ang kanyang banga, at umahon. 17 Sumalubong agad ang alipin at sinabi, “Maaari bang makiinom?”
18 “Aba, opo,” sagot ng babae. At inalalayan niya ang banga habang umiinom ang alipin. 19 Nang ito'y makainom na ay sinabi pa ng dalaga, “Paiinumin ko na rin po ang inyong mga kamelyo hanggang gusto nila.” 20 Isinalin niya sa painuman ang laman ng banga at pabalik-balik siyang sumalok hanggang sa mapainom ang lahat ng kamelyo. 21 Tahimik na pinagmasdan ng alipin ang dalaga at iniisip kung iyon na kaya ang sagot ni Yahweh sa kanyang panalangin.
22 Matapos makainom ang mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang mamahaling singsing[a] at dalawang pulseras na pawang lantay na ginto, at ibinigay sa dalaga. 23 Pagkatapos, ito'y tinanong niya, “Sino ba ang iyong mga magulang? Maaari ba kaming makituloy sa inyo ngayong gabi?”
24 Sumagot ang babae, “Ako po'y anak ni Bethuel na anak nina Nahor at Milca. 25 Maluwag po sa amin at maraming pagkain para sa inyong mga hayop.”
26 Pagkarinig niyon, lumuhod ang alipin at sumamba kay Yahweh, 27 “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham! Hindi siya sumira sa kanyang pangako. Pinatnubayan niya ako sa pagpunta sa bahay ng mga kamag-anak ng aking panginoon.”
9 Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,[a] 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob[b] sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.
11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.
16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.