Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(A) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”
14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.
20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(A) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.