Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 2:1-10

Ang Panalangin ni Ana

Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:

“Pinupuri kita, Yahweh,
    dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
    sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.

“Si Yahweh lamang ang banal.
    Wala siyang katulad,
    walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
    walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
    ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
    at pinapalakas ninyo ang mahihina.
Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
    Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
    at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
    Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
    maaari ring ibaba o itaas.
Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
    mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
    mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
    at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.

“Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
    ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
    Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
    kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
    at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”

1 Samuel 1:21-28

21 Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. 22 Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.”

23 Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.”[a] Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon,[b] limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. 25 Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. 26 Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. 27 Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. 28 Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.”

Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

1 Timoteo 6:11-21

Mga Tagubilin para kay Timoteo

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(A) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.

17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. 18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. 21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.

Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.