Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Nag-asawa si Isaac
24 Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh. 2 Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka. 3 Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac. 4 Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.”
5 “Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin.
6 “Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham. 7 “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak. 8 Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!” 9 Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito.
10 Naghanda ang alipin ng sampung kamelyo ng kanyang panginoon. Matapos kargahan ng maraming panregalo, naglakbay siya patungong Mesopotamia, sa lunsod na tinitirhan ni Nahor.
Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya
5 Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. 2 Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.
3 Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. 4 Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. 5 Ang(A) biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. 6 Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. 7 Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. 8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.