Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(A) (B) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(C) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(D) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Nanumbalik sa Jerusalem ang Kasaganaan
33 Muling nagpahayag si Yahweh kay Jeremias samantalang ito'y nakabilanggo at mahigpit na binabantayan. 2 Ganito ang sabi sa kanya: “Ako ang lumikha, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan. 3 Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman. 4 Ako, si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito sa iyo. Gigibain ko ang mga bahay sa lunsod ng Jerusalem at ang palasyo ng hari sa Juda upang gamiting tanggulan laban sa sumasalakay na mga hukbo ng Babilonia. 5 Papasukin kayo ng mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan sapagkat pupuksain ko sila sa tindi ng aking poot. Itinakwil ko ang lunsod na ito dahil sa kanilang kasamaan. 6 Ngunit pagagalingin ko silang muli. Hahanguin ko sa kahirapan ang Juda at Israel, at bibigyan sila ng kapayapaan at kasaganaan. 7 Ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at muli silang itatatag. 8 Lilinisin ko sila sa lahat nilang kasalanan at patatawarin sa kanilang paghihimagsik laban sa akin. 9 At dahil sa lunsod na ito'y matatanyag ang aking pangalan, pupurihin at dadakilain ng lahat ng bansa, kapag nabalitaan nila ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ko sa kanila. Maaantig sila at mapupuno ng paghanga dahil sa mga pagpapala't kapayapaang ibinigay ko sa aking bayan.”
Maging Ulirang Anak ng Diyos
12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(A) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.
17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.