Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”
At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit 11 at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. 12 Lagyan(A) mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin 13 sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.”
14 Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. 15 Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.”
30 “Makalipas(A) ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’
35 “Itinakwil(B) nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila(C) ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya(D) rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ 38 Siya(E) ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.
39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi(F) pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.