Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:9-16

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Isaias 43:8-13

Saksi ni Yahweh ang Israel

Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
    Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
    may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
    Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
    Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
    para patunayan ang kanilang sinasabi
    at patunayang sila ay tama.
10 Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
    pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
    walang nauna at wala ring papalit.
11 Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
    walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12 Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
    Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
    kayo ang mga saksi ko.
13 Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
    at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”

2 Corinto 3:4-11

Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. Binigyan(A) niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.

Nang(B) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.