Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:9-16

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Isaias 44:1-8

Si Yahweh Lamang ang Diyos

44 Sinabi ni Yahweh,
    “Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
    lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
    tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
    ang bayan kong minamahal.
Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
    sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
    at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
    sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
    Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
    at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”

Ang(A) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
    ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
    walang ibang diyos maliban sa akin.
Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
    Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
    kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”

Mga Gawa 2:14-24

Nangaral si Pedro

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,

17 ‘Ito(A) ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
    sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
    at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
    at mga himala sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,
    ang buwan ay pupulang parang dugo,
    bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(B) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito,

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.