Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 107:1-3

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.

Mga Awit 107:17-22

17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!

Mga Bilang 20:22-29

Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor

22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, 23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. 25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. 26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. 28 Pagdating(A) sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. 29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.

Juan 3:1-13

Si Jesus at si Nicodemo

May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”

Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”

“Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.

Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”

“Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.

10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.