Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 147:1-11

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

Mga Awit 147:20

20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 12:10-21

10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,
    ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,
    ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,
    ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,
    ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,
    bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,
    ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
16 Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata,
    ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,
    ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
18 Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin,
    ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling.
19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,
    ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan,
    ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,
    ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.

Galacia 5:2-15

Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang(A) sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.

11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(B) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.