Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan
9 Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. 2 Akong(A) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.
3 Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. 4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:
“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5 Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. 6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. 7 Panginoon,(B) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. 8 Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. 9 Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(C) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa.
3 Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[a] kagalakan.
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya. 6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. 7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.
8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.