Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 102:12-28

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
    susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
    ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
    upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
    at sa Jerusalem pupurihing ganap
22     kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
    sa banal na lunsod upang magsisamba.

23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
    pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
    huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25     nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
    mamumuhay namang panatag ang loob;
    magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

2 Mga Hari 4:8-17

Si Eliseo at ang Sunamita

Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”

11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”

“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.

14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”

Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”

15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(A) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”

Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”

17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.

2 Mga Hari 4:32-37

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(A) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Mga Gawa 14:1-7

Sa Iconio

14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.

Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.