Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105:1-11

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
    sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
    ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
    at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
    para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
    bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”

Mga Awit 105:37-45

37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
    nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
    sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Jeremias 30:12-22

12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
    malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
    walang kagamutan sa iyong sugat;
    wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
    wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
    buong lupit kitang pinarusahan;
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
    wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
    lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
    Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
    at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
    ang Zion na walang nagmamalasakit.”

18 Sinabi pa ni Yahweh:
“Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob.
    Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya.
Ang lunsod na winasak ay muling itatayo,
    at muling itatayo ang bawat gusali.
19 Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat
    at magkakaingay sa kagalakan.
Sila'y aking pararamihin;
    pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
20 Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan,
    at sila'y magiging matatag sa aking harapan.
    Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
21 Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin,
    sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.
22 Sila'y magiging bayan ko,
    at ako ang kanilang magiging Diyos.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

Juan 12:36-43

36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(A) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(B) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[a]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.