Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50:1-6

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

1 Mga Hari 11:26-40

Ang Pag-aaklas ni Jeroboam

26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. 27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. 29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. 30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. 31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. 32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. 33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. 34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. 35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. 36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. 37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. 38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, 39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”

40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.

2 Corinto 2:12-17

Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas

12 Nang(A) dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. 13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.

Nagtagumpay Dahil kay Cristo

14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15 Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.