Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50:1-6

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

1 Mga Hari 16:1-7

16 Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”

Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.

Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.

Lucas 19:41-44

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.