Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Si Hagar at si Ismael
16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2 Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. 4 Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”
6 At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? 2 Kung itinuring siya ng Diyos na matuwid dahil sa mga nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. 3 Ano(A) ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos na matuwid.” 4 Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. 5 Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. 6 Kaya't tinawag ni David na pinagpala ang taong itinuring ng Diyos na matuwid nang hindi dahil sa sarili nitong mga gawa. Sinabi niya,
7 “Pinagpala ang mga taong pinatawad na ang pagsuway,
at ang mga taong pinawi na ang mga kasalanan.
8 Pinagpala ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon
sa kanyang mga kasalanan.”
9 Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin, batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 10 Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos. 11 Ang kanyang pagtutuli ay naging tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng mga sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y itinuring na matuwid kahit hindi sila tinuli. 12 At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumunod sa halimbawa ng pananampalataya ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.