Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 147:1-11

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

Mga Awit 147:20

20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

Isaias 46

46 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
    ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
    at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
    Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
    Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.

“Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
    kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
Ako ang inyong Diyos.
    Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
    na kayo'y iligtas at tulungan.”

Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
    Mayroon bang makakapantay sa akin?
Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
    at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
    pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
    pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
    Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
    at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.

“Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
    ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
    at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
    at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
    at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
    siya ay darating na parang ibong mandaragit,
    at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.

12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
    kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
    ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
    at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”

Mateo 12:9-14

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(A)

Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”

11 Sumagot(B) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”

13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.