Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50:1-6

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

1 Mga Hari 14:1-18

Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam

14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”

Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.

Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. 10 Dahil(A) dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. 11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.

12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. 15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. 16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”

17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. 18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.

1 Timoteo 1:12-20

Pagkilala sa Habag ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(A) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.