Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[c]
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga(A) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(B) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 “Mapalad(C) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(D) niya ang kanyang nasugatan,
pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”
Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid
8 Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. 10 Ayon(A) sa nasusulat,
“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan.
Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.
11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan,
ngunit ang masasama ay kanyang sinasalungat.”
13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? 14 At(B)(C) sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[a] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[b] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.