Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 40:21-31

21 Hindi ba ninyo nalalaman?
    Wala bang nagbalita sa inyo noon,
    kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22 Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan;
    mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam.
Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina,
    tulad ng tolda upang matirahan.

23 Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan,
    at ginagawang walang kabuluhan.
24 Tulad nila'y mga halamang walang ugat,
    bagong tanim at natutuyo agad;
at tila dayaming tinatangay ng hangin.

25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
    Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(A) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
    Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
    at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
    walang nawala sa kanila kahit isa man.

Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan

27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
    na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
    o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
    ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
    sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
    at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
    at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
    Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
    sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.

Mga Awit 147:1-11

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

Mga Awit 147:20

20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

1 Corinto 9:16-23

16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.

19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.

23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.

Marcos 1:29-39

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(A)

29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(B)

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[a]

39 Nilibot(C) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.