Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
at sa Jerusalem pupurihing ganap
22 kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lunsod upang magsisamba.
23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25 nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
6 Ang sagot ni Job:
2 “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
3 magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
4 Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
5 Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
6 Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
7 Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.
8 “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
9 Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil(A) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.